Lumobo na sa halos 15,000 ang bilang ng mga natatanggap na reklamo o complaints ng Department of Trade and Industry (DTI) na kinasasangkutan ng mga online selling platform.
Ito ang nabunyag sa pagdinig ng Committee on Trade and Industry ng Kamara hinggil sa tumataas na bilang ng mga kaso ng online fraud, online scams maging ang mga pekeng online bookings.
Ayon kay DTI Undersecretary Ruth Castelo, nakatanggap ang ahensya ng kabuuang 14,869 na mga reklamo hinggil sa online transactions mula nang magsimula ang taon hanggang nitong katapusan ng Oktubre na mas mataas sa mga kasong natanggap ng ahensya noong 2019.
Mababatid na 3,475 na mga reklamo ay laban sa Lazada, 3,432 naman ay laban sa habang ang natitirang bilang ay laban sa ilang online selling platforms gaya ng Facebook marketplace.
Paliwanag ni Castelo, ilan sa mga natanggap nilang reklamo ay patungkol sa paglabag sa Price Act kung saan overpriced ang ilan sa mga produkto o kaya’y defective o sira ang mga ito.
Ang pagdinig sa naturang isyu ay may kaugnayan sa panukalang Internet Transaction Act ni Congressman Wes Gatchalian na chair ng kumite.
Layon ng naturang panukala na i-regulate ang industriya ng E-commerce sa bansa, at bumuo ng Electronic Commerce Bureau, na magsisiguro sa proteksyon ng mga namimili online.