Inatras na ng Quezon City’s Task Force Disiplina ang reklamo nito laban sa isang fish vendor na umano’y lumabag sa quarantine protocols.
Sa inilabas na pahayag ng lokal na pamahalaan, sa halip ay inirekomenda ang suspensyon ng mga opisyal na sangkot sa pananakit kay Michael Rubuia habang gumugulong pa ang imbestigasyon hinggil sa insidente.
Ayon sa lokal na pamahalaan, dapat manaig pa rin ang pagkilala sa karapatang pantao at hindi palalagpasin ng batas ang sinomang lumabag dito.
Sa ngayon naman ay nasa kustodiya na ng Quezon City Drug Treatment and Rehabilitation Center si Rubuia matapos itong magpositibo sa droga.
Tiniyak ng lokal na pamahalaan na tutugunan ang pangangailangan at mapoprotektahan ang karapatan ni Rubuia.
Si Rubuia ang nasa viral video kung saan makikitang kinalakad siya ng limang kalalakihan matapos na sitahin dahil sa kawalan ng quarantine pass at face mask habang nagtitinda ng isda.