Pormal nang inihain ng kampo ni vice presidential candidate Senador Bongbong Marcos sa Commission on Elections (COMELEC) ang kanilang reklamo laban sa mga opisyal ng Smartmatic.
Si Abakada Representative Jonathan dela Cruz na campaign adviser ni Marcos ang tumayong complainant laban kina Marlon Garcia, Elie Moreno at Neil Banigued.
Paglabag sa Section 35, Paragraph B at C ng Automated Elections Systems Law ang inihain ni dela Cruz laban sa mga respondent.
Ang nasabing probisyon ay may kinalaman sa pagkakaroon ng access para mapalitan o sirain ang computer data, program at system software, network o alinmang computer-related devices, facilities, hardware o equipment.
Iginiit ng kampo ni Marcos na dapat managot ang Smartmatic matapos nitong palitan ang script na naging dahilan upang mabago ang hash code sa transparency server ng COMELEC.
Ito ang itinuturo nilang dahilan kaya nadaya umano si Marcos sa vice presidential race at nalamangan ng kalabang si Camarines Sur Representative Leni Robredo.
By Meann Tanbio | Allan Francisco | Bert Mozo