Ibinasura ng Department of Justice (DOJ), ang reklamong kriminal na inihain laban kay Senador Aquilino Koko Pimentel III dahil sa umano’y paglabag sa quarantine protocol noong nakaraang taon.
Ito ay dahil sa kakulangan ng probable cause o ebidensiya ng reklamo.
Ayon sa DOJ prosecutor general, hindi obligado si Pimentel na i-report ang kaniyang kondisyong medikal batay sa isinasaad sa probisyon ng RA 11332 dahil hindi naman siya isang public authority.
Dagdag ng prosecutor general, wala rin silang nakikitang pangangailanagan para mag-report si Pimentel hinggil sa kanyang kondisyon nang magtungo siya sa S&R BGC at Makati Medical Center noong Marso 16 at 24, 2020.
Ito ay dahil nalaman lamang aniya ni Pimentel na positibo siya sa COVID-19 noong mismong araw na nagtungo at nakapasok na siya sa MMC.
Maituturing ding depektibo ang inihaing reklamo ni Atty. Rico Quicho dahil ibinatay lamang nito ang kanyang mga ebidensiya sa mga balita na maikukunsidera lamang na “Hearsay”.