Sisilipin ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) ang reklamo ng consumers na walang nailabas na anunsyo bago nagpatupad ng water service interruption ang Manila Water at Maynilad.
Ayon kay MWSS administrator Reynaldo Velasco, inatasan na nya ang regulatory office na alamin at aksyunan ang reklamo ng mga customers.
Kailangan rin anyang tiyakin ng regulatory office na tama at nasusunod ang anunsyo na ilalabas ng Manila Water at Maynilad.
Ipinaliwanag ni Velasco na kung hindi tama ang announcement, baka sobra-sobra sa pangangailangan ang maipon ng mga customers sa panahong walang tulo ang kanilang mga gripo.
Isa anya ito sa mga dahilan kaya’t nauubos ang reserba sa dam at nakaka-apekto rin sa pressure.
Una nang inihayag ng MWSS na kinakailangan nang magbawas ng suplay ng tubig para sa Metro Manila dahil malapit na sa critical level na 160meters ang lebel ng tubig sa Angat Dam.