Kumporme ang ilang senador sa rekomendasyon ng Inter-Agency Task Force (IATF) na gawing optional ang pagsusuot ng face mask sa outdoor areas at hindi matataong lugar.
Ayon kay Senator Jinggoy Estrada, dahil IATF ang nagrekomenda ay maaaring nangangahulugang ligtas na ang hindi pagsusuot ng face mask sa labas ng bahay.
Naniniwala si Estrada na basta’t fully vaccinated ay maaaring hindi na nga kailangang magsuot ng face mask kapag nasa open spaces.
Suportado rin ni Senator JV Ejercito ang rekomendasyon ng task force at naniniwala siyang kailangan na lamang magsuot ng facemask kapag nasa indoor areas at matataong lugar.
Inihayag naman ni Senator Ronald Bato Dela Rosa na ang IATF ang mas naka-aalam kung ano ang dapat gawin at ipatupad kaya’t naniniwala siya na pinag-aralan at may basehan ang kanilang rekomendasyon.
Gayunman, aminado si Dela Rosa na bilang isang covid survivor ay takot pa rin siya na magtanggal ng face mask kaya’t magsusuot pa rin siya nito kahit nasa labas.