Itinuturing ni dating Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) chief at ngayo’y Baguio City Mayor Benjamin Magalong na welcome development ang rekomendasyon ng Department of Justice (DOJ) na kasuhan ang 12 mga pulis na sangkot sa kontrobersyal na buy-bust operation Pampanga noong 2013.
Kabilang sa mga pinakakasuhan sina dating PNP Chief Oscar Albayalde at Police Major Rodney Baloyo na siyang nanguna sa anti-illegal drugs operation.
Ayon kay Magalong, nagpapasalamat siya sa DOJ at kay Justice Secretary Menardo Guevarra sa naging hakbang nito na muling buksan ang kaso.
Sinabi ni Magalong, napunta lang noon sa wala ang apat na taon niyang paghihintay sa inihain niyang reklamo laban sa mga pulis na nagsagawa ng kontrobersyal na anti-illegal drugs operation sa Pampanga matapos na mapawalang-sala ang mga ito.
It took them about 4 years na desisyunan, at ang masama pa ron nung nadesisyonan na, nadismiss na. Buti nalang ang ginawa ni Secretary Guevarra, e, inopen niya, nagkaroon ulit ng investigation of case, nalaman nila na mayroong probable cause,” ani Magalong.
Samantala, aminado naman si Magalong na kanya ring ikinalungkot na nabahiran pa ang reputasyon ni Albayalde bago ito magretiro sa serbisyo. —sa panayam ng Balitang Todong Lakas