Umapela ang Malakanyang sa mga eksperto na huwag isapubliko ang mga rekomendasyon sa gobyerno kaugnay sa mga posibleng ipatupad na quarantine measures para makontrol ang pagkalat ng COVID-19 sa bansa.
Ito’y matapos himukin ng Octa Research Team ang gobyerno na ikunsidera ang muling pagpapatupad ng mahigpit na quarantine classification o localized lockdown sa mga lugar na mataas ang bilang ng kaso COVID-19.
Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, maaari namang iparating ng Octa Research Team ang kanilang mga rekomendasyon ng pribado sa Inter-Agency Task Force for the management of emerging infectious diseases (IATF)
Ani Roque wala namang problema sa pagbibigay ng mga eksperto ng rekomendasyon lalo’t bahagi rin ito ng kanilang trabaho.
Ngunit mas mabuti umano kung ito ay maipaparating ng pribado upang wala naman aniyang napapangunahan lalo’t ang nag-aanunsyo ng pagbabago sa mga quarantine classification sa mga lugar sa bansa ay mismong ang pangulo.