Hindi pa pinal ang Memorandum Order Circular no. 77 ng Sugar Regulatory Administration (SRA) na nagre-rekomendang mag-angkat ng karagdagang 64,050 metric tons ng asukal.
Ito ang nilinaw ng DA sa kabila ng pagtutol ng grupong United Sugar Producers Federation sa nasabing plano.
Ayon kay DA Deputy Spokesperson Rex Estoperez, dedesiyunan pa ng Minimum Access Volume Advisory Council ang rekomendasyon base sa magiging resulta ng mga konsultasyon sa mga consumer at producers.
Mayroon pa naman din anyang imbentaryo batay sa datos ng SRA pero nakalaan ito para sa industrial users at nagiging issue lamang ang allocated supply para sa mga palengke at supermarket.
Ipinunto ng DA na mataas kasi ang presyo pero kulang ang supply at para mapababa ito ay importasyon ang sagot ng gobyerno.
Una nang naglabas ang SRA ng Sugar Order no. 4 noong Agosto pero naudlot nang ihayag ng Malakanyang na wala itong basbas ni Pangulong Bongbong Marcos na kalihim ng DA.