Inilabas na ni Presidential Spokesperson Harry Roque ang draft recommendation para sa mga sektor o industriya na maaari nang muling buksan sa ilalim ng general community quarantine (GCQ).
Sa kanyang press briefing sa malakanyang sinabi ni Roque na hindi pa opisyal na naaaprubahan ng iatf ang nabanggit na rekomendasyon mula sa Department of Trade and Industry (DTI) bagama’t sa kanyang palagay ay napagkasunduan na ito.
Kabilang aniya rito ang iba pang manufacturing activities tulad ng pagawaan ng mga non-alcoholic at alcoholic beverages, semento at bakal, electrical machinery, kagamitan sa bahay.
Gayundin ang mga industriya ng textiles, damit at mga produktong mula sa tabako, papel, goma, plastic, petroleum, non-metallic mineral, computer, electronics and optical, electrical equipment, machinery and equipment, motor vehicle at iba pang transport equipment.
Papayagan na rin ang limitadong pagbubukas ng iba pang mga serbisyo tulad ng malls, komersiyal na establisyemento, barbershops o salon, whole sale o retail trade at pagawaan ng mga sasakyan, forestry at logging, publishing at entertainment activities at lahat ng tanggapan ng gobyerno.
Binigyang diin naman ni Roque na mananatiling ipagbabawal sa mga lugar na nasa ilalim ng GCQ ang anumang aktibidad na may kinalaman sa pagtitipon-tipon ng mga tao.
Ang hindi pa rin pupuwede bagamat meron ng GCQ ay ang; entertainment related mass gatherings not limited to theaters, cinemas, large concerts, festivals, carnivals, convention shows, pubs, ang mga gyms, fitness studios and sports facilities. Ang business related gatherings and politically related mass gatherings, mga sports related gatherings, libraries, archives, museums, and other cultural activities, gambling and betting activity, travel agency at activities ng mga membership organizations,” ani Roque.