Pinag-aaralan na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagluluwag sa ipinatutupad na age restrictions gayundin ang pagbabalik ng face to face classes.
Ito ang inihayag ng Malakanyang makaraang hikayatin ng National Economic and Development Authority (NEDA) si Pangulong Duterte na isailalim na sa modified general community quarantine (MGCQ) ang buong bansa.
Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, ikinukunsidera na rin ng Pangulo ang rekomendasyon na payagan nang makalabas ang mga batang may edad lima hanggang 14 na taong gulang.
Kasabay na rin aniya rito ang pagpapatuloy sa pilot testing ng face to face classes na unang ipinagpaliban ng pangulong dahil sa pagpasok ng UK variant o mas nakahahawang uri ng coronavirus sa bansa.
Ani Roque, layunin nitong matulungang makabawi ang ekonomiya ng bansa at maibsan ang naranasang kahirapan, gutom at kawalan ng trabaho ng mga maraming Pilipino dahil sa pandemiya.
Dagdag ni Roque, malaki rin ang tsansang payagan ng Pangulo ang pagpapalawig pa ng operasyon ng mga pampublikong transportasyon.