Kumpiyansa ang Malacañang na sasang-ayunan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang anumang magiging rekomendasyon ng militar hinggil sa pagpapalawig ng Martial Law sa Mindanao.
Ayon iyan kay Presidential Communications Secretary Martin Andanar kasunod ng naging pahayag ni Armed Forces of the Philippines o AFP Spokesman Major General Restituto Padilla na posibleng palawigin pa hanggang Martial Law hanggang sa katapusan ng taong kasalukuyan.
Giit ni Andanar, iginagalang nila ang assessment ng AFP hinggil sa sitwasyong pangseguridad sa Mindanao gayundin ang mga magiging rekomendasyon nito sa Punong Ehekutibo.
Sa kabila aniya ng nagpapatuloy na banta, sinabi ni Andanar na abala ang pamahalaan sa ginagawang muling pagbangon ng Marawi mula nang mapalaya ito sa limang buwang bakbakan na nagsimula noong Mayo at natapos nitong Oktubre.
Senators in favor
Kaugnay nito, suportado ng mga senador ang mga panawagan na palawigin pa ang Martial Law sa Mindanao sa harap na rin ng patuloy na banta ng terorismo sa rehiyon.
Ayon kay Senate President Aquilino Koko Pimentel, kinakailangang pakinggan ang naging batayan ng AFP kung bakit nila ginawa ang nasabing rekomendasyon.
Hirit naman ni Senador Juan Miguel Zubiri, mainam na bigyan din sila ng briefing ng militar at ng National Security Council hinggil sa sitwasyon sa Mindanao upang mabatid kung kakatigan nila o hindi ang Martial Law extension.
Para naman kay Senador Gringo Honasan, na siyang Chairman ng Senate Committee on National Defense and Security, walang dapat ikabahala ang publiko sa patuloy na pag-iral ng Batas Militar.
Sa panig naman ni Senador JV Ejercito, makatutulong aniya ang pag-iral ng Martial Law sa rehabilitasyon ng Marawi na lubhang napuruhan ng nakalipas na bakbakan.
Naniniwala si Ejercito na hindi katulad noong panahon ni dating Pangulong Ferdinand Marcos, tiyak aniyang sagot ang Martial Law para matuldukan ang deka-dekadang gulo sa Mindanao.
—-