Ibinasura ni Pangulong Rodrigo Duterte ang rekomendasyon ng kanyang mga kaalyado sa Kamara na kanya ng pamunuan ang Bureau of Customs.
Ayon kay Pangulong Duterte, hindi siya kumporme sa emergency powers para i-take over ang BOC dahil hindi naman lahat ng nagta-trabaho sa aduwana ay tiwali.
Gayunman, ipinunto ng Pangulo na sadyang nasa sistema ng BOC ang korapsyon na matagal ng namamayagpag sa pangalawang pinaka-malaking revenue-collecting agency ng gobyerno.
Iginiit ng punong ehekutibo na hindi niya tatanggapin ang rekomendasyon lalo’t tiyak na siya na naman ang masisisi sa bandang huli.
Magugunitang ipinanukala ng House Ways and Means Committee na pinamumunuan ni Quirino lone district Rep. Dakila Cua na buwagin ang aduwana at magtatag ng dalawang bagong ahensya na tututok sa customs service at security control.
Nag-ugat ang rekomendasyon sa 6.4 billion peso shabu shipment mula China na nakalusot sa Bureau of Customs.