Apat (4) pa lamang na senador ang pumirma sa draft report ng Blue Ribbon Sub-Committee na nagrerekomenda umano ng plunder charges laban kay Vice President Jejomar Binay kaugnay sa overpriced umanong Makati City Hall Building.
Tumanggi namang magsalita ni Sub-Committee Chairman Koko Pimentel sa mga detalye ng nilamaman ng draft report hangga’t hindi pa ito nakakukuha ng lagda ng mayorya ng mga senador na miyembro ng naturang kumite.
Sa ilalim ng rules, hindi pa maituturing na opisyal ang isang committee report hangga’t walang pirma ng majority.
Gayunman, hindi kinumpirma ni Pimentel ang naunang balita na inirekomenda nilang kasuhan ng plunder si Binay, anak nitong si Makati Mayor Junjun binay, mga miyembro ng Bids and Awards Committee at mga dating resident auditor ng Makati gayundin ang mga opisyal ng Hilmarcs Construction.
Umaasa naman si Senate Majority Floor Leader Alan Peter Cayetano na makakukuha ng lagda ng majority ang Blue Ribbon Sub-Committee draft report kaugnay sa overpriced umanong Makati City Parking Building.
Ito, ayon kay Cayetano, ay kahit karamihan ng kanyang mga kapwa senador ang hindi nakikilahok sa imbestigasyon ng kumite.
Nagkasundo anya sila sa Blue Ribbon Sub-Committee na ang Chairman nitong si Senador Koko Pimentel ang mag-prisenta sa media ng draft kapag may sapat ng pirma upang maiwasan ang maling interpretasyon ng report.
Kabilang sina Cayetano at Pimentel sa apat pa lamang na senador na lumagda sa nabanggit na report ng kumite.
By Drew Nacino | Cely Bueno (Patrol 19)