Naghahanda na ang Department of Tourism sa napipintong pagsasara ng Isla ng Boracay makaraang matanggap na ng Malakaniyang ang liham ng kanilang rekumendasyon.
Nakasaad sa naturang rekumendasyon ng binuong Joint Task Force Bora ang anim na buwang shutdown sa Boracay na magsisimula sa Abril 26.
Ayon kay Toursim Secretary Wanda Teo, inaantabayanan na lamang nila ang go signal mula sa pangulo kung susundin ba nito ang kanilang rekumendasyon o magtatakda ito ng panibagong timeline para sa shutdown.
Kasunod nito, umapela rin si Teo sa mga airline companies na huwag nang maningil ng rebooking fee para sa mga mayroon ng prior booking o nakapagpareserba na ng kanilang ticket.
Una nang kinumpirma ni Presidential Spokesman Harry Roque na natanggap na nila ang kopya ng rekumendasyon ng Joint Task Force Bora o ang Inter-Agency Council na naatasang mangasiwa sa gagawing rehabilitasyon ng isla.