Lalo pang palalakasin ng militar at pulisya ang ugnayan nito para mas maging epektibo sa paghahatid serbisyo sa mga Pilipino.
Ito ang inihayag ni Armed Forces of the Philippines (AFP) Spokesman, Marine M/Gen. Edgard Arevalo na siya ring commander ng AFP training and doctrine command.
Sa katunayan ani Arevalo ay nag-iikot siya sa iba’t ibang kampo ng pulisya upang magbahagi ng kanilang kaalaman hinggil sa interoperability.
Kinakailangan aniya ito lalo’t magkatuwang ang AFP at PNP sa pagtitiyak ng seguridad sa sandaling ilarga na ng pamahalaan ang pamamahagi ng bakuna kontra COVID-19.
Tiwala si Arevalo na sa pamamagitan ng pagpapalitan ng impormasyon ng mga sundalo’t pulis, maipakikita nito sa mga Pilipino ang kanilang pagkakaisa sa iisang layunin.
Layon din nito ani Arevalo na maiwasan ang pagkakaroon ng lamat sa relasyon sa pagitan ng mga sundalo’t pulis dahil sa mga insidente ng mis-encounter tulad na rin ng pangyayari sa Jolo, Sulu nuong isang taon.