Inambush ng mga armadong kalalakihan ang relief convoy ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at Department of Social Welfare and Development o DSWD kaninang umaga sa Western Samar.
Ayon kay National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) Executive Director Alexander Pama, sugatan sa pananambang ang dalawang sundalo habang na-trauma naman sa insidente ang relief workers ng DSWD.
Batay sa inisyal na imbestigasyon, pabalik na ng Western Samar ang convoy ng AFP at DSWD galing Leyte matapos maghatid ng tulong sa mga nabiktima ng bagyo nang tambangan ito ng mga hindi pa nakikilalang suspek.
Samantala, tiniyak ng DSWD na hindi makakahadlang ang naturang insidente para sa paghahatid nila ng tulong sa mga biktima ng kalamidad.
Malacañang
Samantala, hinihintay na ng Malacañang ang full report kaugnay sa pamamaril sa convoy ng AFP at DSWD na maghahatid ng relief goods sa mga biktima ng bagyong Nona sa Western Samar.
Ayon ito kay Presidential Communications Secretary Sonny Coloma na nagsabing mabuti at ligtas ang tropa ng pamahalaan.
Sinabi ni Coloma na nakakalungkot dahil may mga grupong walang inisip kundi manakit ng kapwa.
Dalawang sundalo ang nasugatan sa nasabing insidente na hindi naman makakapigil sa patuloy na pamamahagi ng relief goods sa mga biktima ng bagyo.
By Ralph Obina | Judith Larino