Tiniyak ni DSWD o Department of Social Welfare and Development Assistant Director Carlos Padolina na sapat ang food packs ng DSWD para sa mga lumikas mula sa kaguluhan sa Marawi City.
Sa huli nilang tala, umaabot na aniya sa 2,404 na pamilya o katumbas ng 11,539 na indibiduwal ang nasa loob ng dalawampu’t dalawang (22) evacuation centers sa Iligan at mga kalapit pang lalawigan.
Habang ang mga lumikas at nanatili sa Iligan City pero hindi nagtungo sa evacuation centers ay nasa 13,837 na pamilya o katumbas ng 69,231 na indibiduwal.
“Ang suma total po ay 16, 241 families o 80,770 individuals po, kaya po ng aming food packs, ng DSWD, hindi lamang po food packs, basically yung pong mga nasa evacuation centers ay madali nating maipadala, nahihirapan lang po tayo sa kasalukuyan ay yung mga kapatid nating nasa homebased.” Ani Padolina
Sinabi ni Padolina na ang maliban sa food packs, nagbibigay na rin sila ng ibang gamit katulad ng gamit sa kusina, damit at kulambo.
Sisimulan na rin aniya nila ang pagsasama ng high energy biscuits at infant dry cereals sa food packs dahil napuna nilang maraming bata sa evacuation centers.
“Binibigyan po sila ng automatic na disaster assistance family access card, pang-monitoring namin sa assistance na napo-provide namin, sa Iligan City per family po ay binibigyan na ng 3 box ng family food packs, ang family food packs namin ay kayang tumagal ng 2 o 3 araw so kung mabibigyan po sila ng tatlo ay kaya niyan ng mahigit 1 linggo, nagbabago rin ang ibinibigay nating food packs, may weekly variations.” Pahayag ni Padolina
By Katrina Valle | Balitang Todong Lakas (Interview)
Relief goods para sa Marawi evacuees sapat—DSWD was last modified: May 31st, 2017 by DWIZ 882