Sinimulan na ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang relief operations sa mga apektado ng flashfloods bunsod ng malakas na pag-ulan sa ilang bahagi ng Visayas at Mindanao.
Alinsunod ito sa direktiba ni Pangulong Bongbong Marcos sa DSWD Field Offices sa Eastern Visayas at Northern Mindanao.
Namahagi ang mga nasabing field office ng food packs sa mga residenteng apektado sa Eastern Samar, Misamis Oriental, Misamis Occidental, Camiguin at Bukidnon.
Ayon kay DSWD-Region 7 Director Grace Subon, kabuuang 32,458 individuals ang naapektuhan ng pagbaha sa mga bayan ng Jipapad, Oras, Arteche, Mercedes, Taft at Giporlos sa Eastern Samar nitong weekend.
Inihayag naman ni Region 10 Director Ramel Jamen na 45,687 individuals sa mga lalawigan ng Misamis Oriental, Misamis Occidental, Camiguin at Bukidnon ang nakatanggap na ng tulong.
Mayorya anya ng mga apektadong indibidwal ang nananatili sa evacuation centers.
Nagsimula ang pag-ulan sa mga nasabing lugar nitong Biyernes dahil sa shear line.