Nadiskubre ng National Bureau of Investigation (NBI) ang modus ng isang international syndicate kung saan ginamit nito ang isang religious seminar abroad para makapagpaalis ng mga drug mule.
Ayon sa NBI, naharang ang dalawang babae at isang lalaking nagpakilalang pastor na umano’y kabilang sa mga dadalo sa religious seminar sa Hong Kong.
Naging kahina-hinala ang sagot ng mga ito sa immigration kaya’t hindi na pinayagan pang sumakay ng eroplano.
Nang tanungin ay umamin din ang tatlo na mula sa Hong Kong ay bibiyahe sila patungong Brazil para pumick-up ng droga kapalit ang 5,000 dolyar o P225,000 pesos
Sinasabing ni-recruit sila ng isang Pinay na nagngangalang Renalyn Morales Bactol na naka-base sa Brazil at may asawang Nigerian.
Dahil dito, inihahanda na ng NBI ang kasong large-scale illegal syndicate in human trafficking laban kay Bactol at dalawa pang kasabwat nito.
By Rianne Briones