Hinarang umano sa Hawaii ang kilalang religious leader ng Kingdom of Jesus Christ na si Pastor Apollo Quiboloy at ilan sa mga kasamahan nito.
Ito’y makaraang lumabas ang ulat mula sa Hawaii News.com nuong Pebrero 13 na nakitaan umano ng Hawaii Customs and Border Enforcement ng ilang armas at malaking halaga ng salapi sa kaniyang private plane.
Aabot sa 350,000 Dolyar na cash at ilang bahagi ng military style rifle ang nakita ng mga awtoridad sa Cessna Citation Sovereign Plane na sinasakyan ni Quiboloy.
Nakatakda sanang bumalik sa Pilipinas mula Hawaii ang eroplano ni Quiboloy nang harangin ito ng mga awtoridad duon kasama ang US Citizen na si Felina Salinas na residente sa nasabing lugar.
Inamin umano ni Salinas na siya ang may-ari ng mga nakitang salapi na nakalagay sa isang suitcase pero hindi naman malinaw kung inamin din nito na kaniya ang mga nakitang piyesa ng baril.
Mahigpit na ipinagbabawal ng US Federal Law ang paglalabas ng US Currency na lagpas ng 10,000 Dolyar na siyang dahilan kaya’t inaresto si Salinas ngunit kalauna’y napalaya rin dahil sa piyansa.
Posted by: Robert Eugenio