Dapat nang bilisan ang paglilipat ng mahigit 60,000 poste ng kuryente na sagabal sa mga pinalapad na mga kalsada sa bansa.
Ito, ayon kay Senador Sherwin Gatchalian, ay dahil nasasayang ang road widening projects.
Giit ni Gatchalian, noon pang 2019, dapat natanggal ang mga poste dahil napondohan na ng P3.78-bilyon ang relokasyon ng mga ito.
Sa halip anya na mapaluwag ang kalsada, naging parking lot ang pinalapad na kalsada at nagsilbing marker ang mga poste para sa pagparada ng mga sasakyan.
Tugon naman ng Department of Public Works and Highways (DPWH), naantala ang paglilipat ng mga poste dahil sa mga ipinatupad na quarantine na dahil sa coronavirus disease 2019 (COVID-19) pandemic.
Sa bilang ng DPWH, 24,000 na lang ang mga electric post na nasa gitna ng road widening projects at kakayanin daw na ilipat sa susunod na taon ang mga electric cooperative na may-ari ng mga poste. —ulat mula kay Cely Ortega-Bueno (Patrol 19)