Patuloy na sumasailalim sa clinical trial ang gamot na Remdesivir sa Pilipinas.
Ito ang inihayag ng Department of Health (DOH), bagama’t awtorisado na sa Japan at Estados Unidos ang paggamit sa Remdesivir bilang gamot sa coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Ayon kay Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire, isa ang Remdesivir sa mga investigational drugs na kabilang sa solidarity trial na inilunsad ng World Health Organization (WHO) at sinalihan ng bansa.
Sinabi ni Vergeire, walo sa 24 na mga nakibahaging research sites sa bansa ang isinama na sa trial ang kanilang mga pasyente.
Mayroon na aniyang 40 pasyente ang naka-enroll sa pag-aaral para sa iba’t ibang gamot sa COVID-19 ngayong linggo.
Maliban sa Remdesivir, na unang ginamit na gamot sa ebola, isinasailalim rin sa solidarity trial ang antimalarial drug na hydroxychloroquine, at ritonavir o lopinavir.