Aarangkada na ang remote enrollment ngayong araw, unang araw ng Hunyo ng taong kasalukuyan.
Kaugnay nito tiniyak ng Department of Education (DepEd) na handa na ang mga pampublikong paaralan na magpatupad ng remote enrollment para sa isang buwang enrolment period.
Sa ilalim ng remote enrollment, hindi na kakailanganing magtungo ng mga estudyante o magulang sa mismong paaralan para mag-enroll upang makapagingat pa rin sa banta ng coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Ayon sa DepEd, ang mga magulang ng mga papasok na grade 1 to 12 learners ay kokontakin ng kanilang adviser mula sa nagdaang taon para sa remote enrollment.
Maaari din naman umano na ang mga magulang ang tumawag sa mga adviser sa pamamagitan ng mga numerong kanilang ilalaan para sa enrollment.
Papayagan lamang ang physical enrolment matapos ang unang dalawang linggo ng enrollment period ngunit kailangang tiyakin na masusunod ang mga health at safety protocol.
Samantala, ngayong araw din ilulunsad ng DepEd ang 2020 Brigada Eskwela at Oplan Balik Eskwela.