Magiging legal counsel ng pamilya Remulla ang kaanak nitong abogado para kumatawan kay Juanito Jose Remulla III sa illegal drug case na kinakaharap nito.
Ngunit nanindigan si Justice Secretary Jesus Crispin Remulla na hindi siya manghihimasok sa kaso ng 38-anyos niyang anak.
Sa ginanap na press conference, sinabi ni Remulla na hindi pa sila nagkakausap ng kanyang anak.
“I haven’t talked to him since the beginning. I have stayed away from his case. I have not asked anybody any favor,” ayon sa kalihim.
Siniguro rin ng kalihim ng DOJ na walang kaugnayan sa Department of Justice ang abogado ng kanyang anak.
Hinikayat din ni Remulla ang abogado na huwag maghahain sa kanyang tanggapan ng petition for review sa kaso ng kanyang anak.
Batay sa ilalim ng rules, anumang pasya na ipinalalabas ng city at provincial prosecutors ay maaaring iakyat o kuwestyunin sa tanggapan ng Justice Secretary sa pamamagitan ng petition for review.
“Face it in court. Don’t let it reach me,” wika ni Sec. Remulla.
Samantala, sa isang online interview, binanggit ng kalihim na subok na siya sa mga ganitong uri ng problema bilang matagal nang pulitiko at anak din ng pulitiko.
“Siguro I was built for this job as I have encountered so many problems as a professional, politician, and son of a politician and I cannot summon others but me. Matatapos din yan bigyan na lamang ng panahon at tamang oras,” ayon sa kalihim.
Minsan pa nitong iginiit na anuman ang kalabasan ng kaso ay hindi siya makikialam o manghihimasok.
Naka-focus lang aniya siya sa kanyang trabaho bilang DOJ chief.