Umapela si Cavite Governor Jonvic Remulla sa national government na payagan na ang pag-angkas sa motorsiklo ng mga mag-asawa sa gitna ng umiiral na general community quarantine (GCQ) sa lalawigan.
Sa kanyang liham para sa Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases (IATF-EID), sinabi ni Remulla na magmula nang maisailalim sa GCQ ang Cavite, ilang mga pabrika at industrial locators ang itinigil na ang kanilang shuttle services.
Ito ay dahil sa inaasahan na ring pagbabalik ng pampublikong trasportasyon at pagtitipid ng mga naturang industriya para mailaan sa iba pa nilang gastusin.
Gayunman, hindi aniya tulad ng inaasahan ang sitwasyon at marami pa ring nahihirapang bumiyahe.
Binigyang diin ni Remulla na nauunawaan niya ang siyentipikong batayan kaya ipinagbabawal ang angkas pero kung maaari aniya ay payagan ang backriding ng mga mag-asawa at nagsasama.
Aniya, hindi naman nalalayo o naiiba ang mag-asawang mangka-angkas sa motorsiklo sa mag-asawang magkasamang nakasakay sa mga kotse.
Iginiit pa ni Remulla, maaari naman aniyang magbigay ng couple pass ang lalawigan para sa mga mag-asawa na kanilang ipakikita sa mga checkpoint.
Kaugnay nito, nangako si Presidential Spokesperson Harry Roque na kanilang tatalakayin sa pagpulong ng IATF ang kahilingan ni Remulla.