Pumalag si Biñan Representative Marlyn ‘Len-Len’ Alonte-Naguiat sa pagkakadawit ng kanyang pangalan sa mga umano’y nanuhol ng isandaang (100) milyong piso sa mga high profile inmates kapalit ng pagbawi ng mga testimonya ng mga ito laban kay Senadora Leila de Lima.
Sa panayam ng DWIZ, iginiit ni Alonte na walang basehan ang mga akusasyon sa kanya ni Department of Justice (DOJ) Secretary Vitaliano Aguirre.
Hindi naitago ni Alonte ang kanyang sama ng loob lalo’t hindi man lang aniya binirepika ang ulat na natanggap ng DOJ bago idawit ang kanyang pangalan.
“Wala akong kinalaman sa sinasabi nilang suhulan at hinahamon ko kung sino man ang nagsabi sa kanila at nagbigay ng aking pangalan na magharap kami, magpa-lie detector test kaming dalawang sabay, willing ako just to clear my name, ang importante sa lahat ay ayokong mawala ang tiwala sa akin ng mga taga-Biñan.” Ani Alonte
Naniniwala si Alonte na ang pagiging miyembro niya ng Liberal Party noong alkalde pa siya ng Biñan ang dahilan ng pag-uugnay sa kanya sa naturang isyu.
Pero, ipinagtataka ni Alonte, miyembro na siya ng partido ng Pangulong Rodrigo Duterte na PDP o Partido ng Demokratikong Pilipino mula nang tumakbo siya sa pagka-kongresista.
“Ako ay naanyayahan, ako ay sumama sa PDP dahil yung kagustuhan ni Pangulong Duterte na lumaban sa droga isa yun sa aking hinangaan sa kanya kaya ako sumama sa PDP, ginagalang ko ang Presidente, ginagalang ko ang aming partido, hindi ko po makita kung bakit ako ang iniimplika nila dito, dahil po ba dating LP member ako?” Dagdag ni Alonte
Nilinaw rin ni Alonte na hindi niya personal na kakilala si dating Senador Jamby Madrigal na isa din sa mga idinawit ni Aguirre sa isyu ng suhulan.
“Si Senator Jamby Madrigal ay kilala ko lang dahil siya ay naging senador, hindi ko po siya close na kaibigan, ganun lang po ang aming relasyon wala na pong iba.” Pahayag ni Alonte
By Ralph Obina | DWIZ Interview
Photo from Alonte's Facebook page