Kinasuhan ni Kabataan Party-List Representative Sarah Elago sa Office of the Ombudsman ang National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) at iba pang cabinet officials.
Reklamong grave misconduct at malfeasance ang inihain ni Elago laban kina National Security Adviser Hermogenes Esperon, Major General Antonio Parlade Jr., NTF-ELCAC Strategic Communications Cluster Spokesperson Lorraine Badoy.
Gayundin kina National Intelligence Coordinating Agency Director General Alex Paul Monteagudo, Defense Secretary Delfin Lorenzana at Interior and Local Government Secretary Eduardo Año.
Ito ay bunsod ng aniya ng akusasyon laban sa kanya ng mga nabanggit na opisyal bilang isang komunista o terorista.
Ayon kay Elago, ginagamit ng mga naturang opisyal ng pamahalaan ang pondo ng NTF-ELCAC para malisyosong atakehin at siraan ang mga progresibong indibiduwal at grupo sa pamamagitan ng iba’t ibang plataporma tulad ng social media at mga artikulo sa internet.
Aniya, mula noong Mayo hanggang sa kasalukuyan, nagpapakalat ang mga ito ng mga pekeng balita at maling impormasyon laban sa kanyang pagkatao.
Iginiit ni Elago, mas naging agresibo pa ang mga ntaurang pag-atake laban sa mga tumutuligsa sa pamahalaan at inaakusahang komunista nang maipasa ang Anti Terrorism Act of 2020.
Dagdag ni Elago, taliwas ang mga naging aksyon ng mga naturang opisyal sa mandato ng NTF-ELCAC kung saan dapat nitong labanan ang komunismo sa pamamagitan ng pagtutok at pantay na pamamahagi ng pangunahing serbisyo at social development package ng pamahalaan.