Muling binuhay ni Marikina 2nd District Rep. Bayani Fernando ang panukalang armasan ang mga traffic constables ng Metro Manila Development Authority (MMDA).
Ito’y kasunod ng nangyaring insidente ng pambubugbog ng isang driver at kundoktor ng bus sa miyembro ng Sidewalk Clearing Operations (SCOG) nuong isang linggo.
Ayon kay Fernando, mas mainam kung aarmasan kahit aniya isang bolo ang mga MMDA constables upang magkaroon ng takot ang mga motorista.
Ginawa ng kongresista ang pahayag kasunod ng panawagang lumikha ng batas na magbibigay proteksyon sa mga traffic enforcer mula sa mga abusadong motorista.
Pero giit ni Fernando, may mga umiiral na aniyang batas na sumasaklaw sa karapatan ng mga traffic enforcer at dapat na lamang itong amiyendahan upang mabigyan ng pangil.