Nanawagan si ACT Teachers Party-list Representative France Castro kay Education Secretary Leonor Briones na tutukan ang nakabinbing permit to operate applications ng mga Lumad school.
Kasunod na rin ito ng banta ng Pangulong Rodrigo Duterte na bo-bombahin ang Lumad schools na aniya’y walang permit mula sa DepEd o Department of Education para makapag-operate.
Sinabi ni Castro na dapat magsalita na si Briones sa aniya’y tambak-tambak na application ng Lumad schools.
Kasabay nito, binatikos ni Castro ang Pangulo na aniya’y nakakuha ng mga maling impormasyon hinggil sa Lumad schools.
Binigyang diin ni Castro na ang mga Lumad school tulad ng ALCADEV o Alternative Learning Center for Agricultural and Livelihood Development ay nakatanggap pa ng maraming award mula sa DepEd noong 2004 at 2015.
Handa aniya silang samahan si Briones sa mga Lumad school para ito na ang magsabi sa Pangulong Duterte ng tunay na sitwasyon ng mga naturang paaralan.
- Judith Estarada – Larino