Nagbanta si North Cotabato Representative Nancy Catamco na kakasuhan niya ng libel ang responsable sa pagkaladkad sa kanyang pangalan sa umano’y pork barrel scam na kahalintulad ng ginawa ni Janet Lim Napoles.
Sa panayam ng DWIZ, sinabi ni Catamco na hindi niya alam ang sinasabing scam at malaking kasiraan ito sa kanyang pagkatao.
Binigyang diin ni Catamco na hindi pa siya kongresista noong 2007 hanggang 2009 kung saan nangyari umano ang pork scam.
“Hindi pa po ako congressman nang 2007 at 2009. Naging congresswoman po ako nang 2010. Misleading talaga, malicious,” giit ni Catamco.
Idinagdag pa ni Catamco na hindi dapat iugnay ang pagiging negosyante niya sa bintang na katulad siya ni Napoles .
Aminado ang kongresista na may mga transaksiyon din siya sa kongreso bago naging mambabatas, pero lehitimo aniyang negosyo ito.
“You substantiate it with facts, huwag naman yung basta ka tapunan na hindi ma-substantiate ng facts dahil gossip lang. Ang dami pong tsismis, bakit lahat ba ng tsismis totoo? Meron sigurong at mas karamihan ay hindi,” paliwanag ni Catamco.
By: Aileen Taliping