Nagpasya na si Presidential Son at Davao City Rep. Paolo “Pulong” Duterte na magbitiw na lamang sa Committee Chairmanship sa Kamara.
Ito’y matapos hindi niya magustuhan ang ginagawa umanong “loyalty check” sa kaniya ng mayorya ng mga mambabatas sa Kamara.
Magugunitang itinalaga ni House Speaker Lord Allan Velasco ang nakababatang Duterte bilang Chairman ng Committee on Accounts kahit hindi naman umano ito bumoto sa kaniya.
Ayon kay Rep. Pulong, noong isang linggo pa siya nagpaalam kay Velasco na lilisan na sa kaniyang Komite subalit patuloy pa rin itong hinihilot ng mga kaalyado ni Velasco.
Maugong na ang balita sa Kamara noon pang Lunes subalit hindi ito nangyari sa isinagawang sesyon dahil patuloy na tinatanggihan ni Velasco ang pagkalas ng batang Duterte.