Pinabulaanan ni House Committee on Justice Chairman at Mindoro Rep. Reynaldo Umali na kasabwat siya ng mga mahistrado ng Korte Suprema para patalsikin sa puwesto si Chief Justice Maria Lourdes sereno.
Ito’y makaraang akusahan si Umali ni Albay Rep. Edcel Lagman na nakipagsabwatan umano sa mga mahistrado para pilitin si Sereno na mag-indefinite leave gayundin ay para pagtibayin ang inihaing Quo Warranto Petition na inihain sa kanila ng Solicitor General.
Ayon kay Umali, nasabay lamang aniya sa ginagawang En Banc Session ng SC ang kaniyang pagsagot sa naging pahayag ng kampo ni Sereno na wellness leave at hindi indefinite leave ang inihain ng punong mahistrado.
Giit ng mambabatas, malabo ang pinakawalang bintang ni Lagman lalo’t marami pa rin namang mahistrado ng high tribunal ang nananatiling kakampi ni Sereno at ni Lagman na panig naman sa Chief Justice.
Jaymark Dagala / Jill Resontoc / RPE