Tinanggihan ni Las Piñas City Representative Camille Villar ang posisyon bilang deputy speaker sa House of Representative, ilang oras matapos mahalal.
Sa kanyang ipinadalang liham kay House Speaker Lord Allan Velasco, nagpahayag si Villar ng pasasalamat para sa inialok na posisyon sa kanya.
Ayon kay Villar, magandang pagkakataon ito para makatrabaho ang kanyang mga kapwa kongresista at pinuno ng House of Representatives upang makabuo ng mga polisiya at batas na makapagbibigay ginhawa sa mga Pilipino sa gitna ng pandemiya at sakuna.
Gayunman, ang pinakamaganda pa ring paraan upang matamo ito ay ang pagtupad sa kanilang responsibilidad sa mga nasasakupan at patuloy na pakikipag-ugnayan sa pinuno at bansa.
Sa kabila naman ng pagtanggi bilang deputy speaker, tiniyak ni Villar ang kanyang patuloy na pagsuporta sa legislative agenda ng kamara.
Isa si Villar sa tatlong mambabatas na inihalal bilang deputy speakers sa pinakahuling balasahan sa kamara matapos ng pag-upo ni Velasco.