Tinatayang aabutin pa ng dalawa hanggang tatlong linggo ang repair at clearing operations sa mga naapektuhang riles ng tren dahil sa bagyong Karding.
Ayon kay Philippine National Railways (PNR) Operations Head Jo Geronimo, 10 tren lamang ang operational sa ngayon.
Dalawang tren naman ang stranded sa Laguna at anim ang kasalukuyang nire-repair.
Ilang bahagi din ng riles ng tren sa Sariaya at Candelaria ang natatabunan ng mga natumbang puno, bato at basura.
Iginiit pa ni Geronimo na matapos ang isang linggong paglilinis at pag-aayos, tanging ang mga ruta mula Tutuban hanggang Alabang; Tutuban hanggang Biñan; Governor Pascual hanggang Bicutan at Naga hanggang Sipocot ang operational.
Samantala, kabilang sa mga dahilan na nakaaapekto sa kondisyon at pundasyon ng riles ng naturang tren ang pagbaha, erosion at landslide kaya’t kailangan aniya ito na palakasin.