Pansamantalang ititigil ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang kanilang mga ikinakasang repatriation efforts para sa mga manggagawang Pilipinong nasa ibang bansa na apektado ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) pandemic.
Ayon kay DFA undersecretary Sarah Lou Arriola, ipagpapatuloy na lamang nila ito oras na maalis na ang suspensyon sa operasyon ng mga paliparan sa bansa.
Kaugnay nito, pinapayuhan ni Arriola ang mga Pilipinong nais nang bumalik ng bansa at apektado ng pansamantalang pagsasara ng NAIA na makipag-ugnayan sa pinakamalapit na embahada o konsulada ng Pilipinas.
Tiniyak ni Arriola na nananatiling nakahada ang DFA na tulungan ang mga naistranded na OFWs dahil sa pagsasara ng mga paliparan sa Pilipinas.
Kahapon, nagpalabas ng notice to airmen (NOTAM) ang Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) hinggil sa suspensyon ng lahat ng commercial, passenger, domestic at international flights, mula at patungo ng Pilipinas.
Kasunod naman ito ng naging pasiya ng National Task Force Against COVID-19 na pansamantalan isara ang mga international airport sa bansa bilang bahagi ng mga hakbang upang mapigilan ang pagkalat ng COVID-19 sa bansa.