Walang pangangailangang ikasa ang repatriation sa mga Pilipinong nasa Qatar.
Ayon ito kay Labor Secretary Silvestre ‘Bebot’ Bello III bagamat problema aniya ang pagpapaalis ng Qatari government sa mga Egyptian employer sa kanilang bansa.
Magugunitang kabilang ang Egypt sa mga kumalas na rin ng ugnayan sa Qatar kasama ang iba pang bansa sa Middle East tulad ng Saudi Arabia dahil sa pagsuporta ng Qatar sa mga extremist group.
“So far wala namang ganung situation except ang konting problema dahil kumpirmado ang Qatari government ine-expel nila yung mga Egyptian residents doon, pinutol ng Egypt ang diplomatic ties nila sa Qatar eh so pinapaalis sila ngayon doon, ngayon maraming OFW doon na ang employer nila ay mga Egyptian, yun ang konting problema.” Ani Bello
Sinabi pa sa DWIZ ni Bello na sakali mang umalis ang Egyptian employers ng mga OFW sa Qatar, maraming pupuwedeng mapasukang trabaho ang mga ito dahil sa lawak ng infrastructure sa naturang bansa bukod sa iba pang sektor.
“Palagay ko hindi sila mahihirapang maghanap ng bagong employer doon kasi grabe ang infrastracture doon, kaliwa’t kanan.” Dagdag ni Bello
Deployment ban
Precautionary measure lamang ang direktiba ng DOLE na suspindihin ang deployment o pagpapadala ng mga OFW o Overseas Filipino Worker sa Qatar.
Sinabi sa DWIZ ni Bello na ayaw niyang masisi na hindi gumawa ng hakbang sakaling lumala ang sitwasyon sa Qatar matapos putulin ng pitong (7) bansa sa Middle East ang ugnayan dito dahil sa umano’y pagsuporta nito sa mga teroristang grupo.
Ayon kay Bello, regular nilang ina-assess ang aktuwal na sitwasyon sa Qatar dahil palagi niyang kausap ang Labor attache at ambassador ng bansa doon.
Sa ngayon aniya ay normal na ang sitwasyon bagamat nagkaroon ng temporary panic buying na normal din namang reaksyon ng mga residente.
Ipinabatid ni Bello na kaagad niyang pupulungin ang crisis committee, depende aniya sa development ng mga pangyayari sa Qatar batay na rin sa report ng mga opisyal ng bansa doon.
“Nagtakbuhan sa mga groceries para bumili ng pagkain, normal na reaction yun pero ang sabi sa akin ng ating Labor attache at ambassador doon ay na-normalize na ang situation.” Pahayag ni Bello
By Judith Larino | Ratsada Balita (Interview)
Repatriation ng mga OFW sa Qatar di kailangan—Bello was last modified: June 7th, 2017 by DWIZ 882