Posibleng hindi na kailanganin pa ang malawakang repatriation sa mga Pilipinong manggagawa sa Iraq.
Ito ang inihayag ni OFW Rights Activist at dating Labor Undersecretary Susan “Toots” Ople matapos umatras ng Estados Unidos sa napipintong giyera laban sa Iran.
Sa kabila nito, iginiit ni Ople na dapat gamitin ng pamahalaan ang pagkakataon para mas paigtingin pa ang mga contingency plans sa mga lugar sa Middle East na nakararanas ng kaguluhan tulad ng Iraq.
Dagdag ni Ople, kinakailangan na rin ng crisis committee ng Palasyo, Department of Labor and Employment (DOLE) at Department of Foreign Affairs (DFA) na bumuo ng isang network ng mga personalidad o grupo na maaaring lapitan ng Embahada ng Pilipinas sakaling tuluyang sumiklab ang krisis.
Samantala, naniniwala naman si Ople na hindi kinakailangan pang ituloy ng militar ang kanilang plano na ipadala ang pikamalaking eroplano at barko ng Pilipinas para tumulong sa repatriation ng mga OFW sa Middle East.
Aniya, hindi ito magiging mabisa dahil nananatili pa ring gumagana ang paliparan ng Iraq at posible rin itong mapagkamalan bilang military operation.