Inihayag ng Commission on Elections (COMELEC) na nakatakdang ilabas ng Parish Pastoral Council for Responsible Voting (PPCRV) ang mga report ukol sa logs ng transparency server ngayong Lunes, Mayo 20.
Ayon kay COMELEC commissioner Rowena Guanzon, ang PPCRV ang responsable sa pag-alam ng mga nangyaring problema sa kanilang transparency server.
Sa audit logs aniya makikita ang paliwanag ng naranasang pitong (7) oras na aberya kung saan naantala ang pagdating ng election results sa transparency server noong mismong araw ng eleksyon.
Tumanggi naman si Guanzon na magbigay pa ng karagdagang impormasyon hinggil sa inisyal na obserbasyon ng PPCRV.
Samantala, kinumpirma naman ni PPCRV spokesperson Agnes Gervacio ang nasabing pagpapalabas ng mga log ng transparency server.