Hinamon ni Senador Sherwin Gatchalian ang PNP o Philippine National Police na imbestigahan ang aligasyon ng dalawang retiradong pulis na umano’y binabayaran o binibigyang pabuya ang mga pulis na nakakapatay ng mga sangkot sa iligal na droga.
Giit ni Gatchalian, hindi aniya maaaring itago at isantabi na lamang o kaya’y basta pabulaanan ang mga nasabing paratang kahit pa kulang iyon sa mga dokumentadong ebidensya.
Malalagay aniya sa alanganin ang integridad ng PNP bilang isang institusyon at hindi dapat hayaan ng PNP na mawala ang tiwala sa kanila ng publiko.
Mahalagang may gawing hakbang ang liderato ng PNP para maberipika ang nasabing alegasyon at papanagutin ang sinumang lilitaw na sangkot sa naturang gawain anuman ang kanilang posisyon.
Hinimok din ng Senador si PNP Chief Ronald Bato Dela Rosa na ilabas ang katotohanan sa usapin at parusahan ang sinumang pulis na lumalabag sa sinumpaang tungkulin na poprotektahan ang publiko at pananatilihin ang kapayapaan sa bansa.
By: Jaymark Dagala / Cely Bueno