Pinalagan ng Department of Transportation ang pag-aaral na isinagawa ng american luggage app bounce na business class index.
Lumabas sa naturang pag-aaral na itinuturing na worst airport para sa business class travelers ang Ninoy Aquino International Airport.
Kinuwestiyon ng DOTR at Manila International Airport Authority (MIAA) ang batayan ng naturang pag-aaral at dinepensahan ang tatlong kategorya kung saan nakakuha ng pinakamababang score ang Pilipinas.
Ayon sa MIAA, destination airport ang NAIA at hindi hub airport kaya’t walang masyadong business class lounges sa nabanggit na paliparan.
Nasa 83% ang average na on-time performance ng NAIA noong 2019 base sa Air Carriers Association of the Philippines kumpara sa 40% noong 2016.
Pagdating naman sa Skytrax rating, iginiit ng kagawaran na kabilang ang NAIA sa top 10 ng World’s Most Improved Airports batay sa 2018 World Airport Awards.
Sa kabila nito, nangako ang DOTR at MIAA na pag-iigihan pa ang pagpapaganda at pagsasa-ayos sa mga pasilidad ng paliparan upang matiyak ang ligtas, maaasahan at komportableng karanasan ng mga pasahero.