Itinanggi ng US – based satellite image and data provider na Simularity , na peke ang kanilang report hinggil sa pagtatapon ng mga chinese vessel ng dumi ng tao sa ilang bahagi ng West Philippine Sea.
Ito ang tugon ng naturang tech company sa pagdududa ni Foreign Affairs Secretary Teodoro Locsin sa report partikular sa larawang kanilang ginamit.
Sa isang tweet ni Locsin kay Senate Pro Tempore Ralph Recto hinggil sa issue, sinagot ng Simularity ang akusasyon.
Iginiit ng Simularity na sinaliksik nang maigi at kinumpirma nila ang mga larawang ginamit upang matukoy ang mga lumot sa West Philippine Sea base sa satellite imagery.
Nagpadala pa ang nabanggit na kumpanya ng link bilang patunay sa kanilang report, bagay na sinagot din ni Locsin sa pamamagitan ng tanong kung maaari ring gawin ng Simularity ang kanilang analysis sa Taal Lake at Laguna de Bay.
Bandang huli ay tinanggap ng simularity ang hiling ng DFA Secretary basta’t tumawag lamang ito nang direkta sa kanila. —sa panulat ni Drew Nacino