Unang ipalalabas ng Senate Justice at Blue Ribbon Committee ang report sa isyu ng ‘ninja cops.’
Ito ay ayon mismo kay Senador Richard Gordon, chairman ng dalawang komite, bagama’t naunang inimbestigahan ang kontrobersiya sa Good Conduct Time Allowance o ‘GCTA for sale.’
Sinabi ni Gordon, posibleng matapos na ang committee report sa isyu ng ‘ninja cops’ ngayong linggo.
Gayunman, bago aniya ito maipalabas sa publiko, hihingi muna siya ng permiso kay Senate President Vicente Sotto.
Umaasa naman si Gordon na makakakuha ng lagda mula sa mayorya ng mga senador ang committee report.
Dagdag pa ng senador na kanyang bibigyan ng kopya ng report ang tanggapan ni Pangulong Rodrigo Duterte at Department of Justice para magamit na batayan sa pag-aksyon laban sa mga nasasangkot sa ‘ninja cops’ at recycling ng iligal na droga.