Iginiit ng Philippine Center for Investigative Journalism na nanggaling mismo sa isinumiteng Statement of Assets and Lialibilities and Networth (SALN) ng pamilya Duterte ang ulat tungkol sa kanilang yaman.
Ayon kay PCIJ Executive Director Malou Mangahas, walang dahilan para magalit si Pangulong Rodrigo Duterte dahil nakabatay ang kanilang report sa idineklara ng pamilya nito sa kanilang SALN at datos mula sa official records ng gobyerno.
Sinabi ni Mangahas, tanging hiningi nila ay ang malinaw, direkta at tapat na sagot ng Pangulo mula sa kanilang mga katanungan.
Sa halip aniya na sisihin ni Pangulong Duterte ang report ng PCIJ, dapat nitong pagtuunan ang kabiguan ng kanyang mga kinatawan tulad ni Presidential Legal Counsel Salvador Panelo na sagutin ang kanilang request letter sa loob ng mahigit limang buwan.
Binigyang diin ni Mangahas, mas nakabuti aniya kung nagpa-unlak si Pangulong Duterte at kanyang mga anak na sina Davao City Mayor Sara at dating Vice Mayor Paolo sa isang sit-down interview para magbigay ng komento sa usapin.
Dagdag ni Mangahas, hindi bago ang ulat hinggil sa yaman ng pamilya Duterte dahil nagsagawa na rin noon ng report ang PCIJ sa yaman at kinasasangkutang kontrobersiya ng limang naunang presidente kay Pangulong Duterte.
Pangulong Duterte ipinagtanggol ang mga negosyo
Ipinagtanggol ni Pangulong Rodrigo Duterte ang kanyang pamilya kasunod ng inilabas na ulat ng PCIJ kaugnay ng kanilang hindi umanong rehistradong law firm.
Ayon kay Pangulong Duterte, pareho silang abogado ng anak na si Mayor Sara Duterte–Carpio kaya natural lang aniyang ipakita nila ang kanilang mga pangalan sa kanilang mga law companies.
Aniya, pinaghirapan nila ang perang ginamit upang maipatayo ang kanilang mga negosyo at wala aniyang pakialam ang iba kung mayroong negosyo ang kanyang pamilya.
Iginiit pa ni Pangulong Duterte na nanggaling sa kanyang ina ang kanyang yaman kaya hindi niya ito kinakailangang ilagay sa kanyang SALN.
Kasabay nito, binanatan muli ng Pangulong ang mga tinawag niya “dilaw” na gumagamit sa isyu laban sa kanya at kanyang pamilya.
—-