Nilinaw ni Manila Times Reporter Jomar Canlas na wala siyang personal na kaalaman sa lahat ng impormasyon na ibinigay sa kaniya ng isang source na nailathala sa kaniyang artikulo.
Kaugnay ito sa inilabas na artikulo ni Canlas sa Manila Times noong mga buwan ng Hulyo at Setyembre hinggil sa mga umano’y pagkuwestyon ni Associate Justice Teresita Leonardo-De Castro sa ilang mga hakbang ni Chief Justice Maria Lourdes Sereno na labag sa mga panuntunan ng High Tribunal.
Sa pagpapatuloy ng pagdinig ng House Committee on Justice hinggil sa deliberasyon ng impeachment laban kay Sereno, iginiit ni Canlas na bilang mamamahayag, nagsagawa siya ng validation sa nakuha niyang impormasyon bago ito i-ulat sa publiko.
Partikular na pinanindigan ni Canlas ang isinulat niyang artikulo hinggil sa di umano’y pamemeke ng Punong Mahistrado ng Temporary Restraining Order o TRO hinggil sa petisyong may kinalaman sa Senior Citizen’s Partylist.
—-