Bahagyang umangat ang reproduction number o hawahan ng COVID-19 sa NCR sa 1.42 kung saan sumirit din sa 19% ang bilang ng kaso ng virus.
Ipinabatid ito ni Prof. Guido David, Fellow ng OCTA Research Group matapos ihayag na nasa halos 9,000 ang daily average ng COVID-19 cases sa Metro Manila.
Nangunguna ang Metro Manila sa nakapagtala ng pinakamataas na bagong kaso ng COVID-19 na nasa 9,061 na ayon kay David ay seryoso at maituturing na record.
Sinabi ni David na kabilang sa sampung lugar na nakapagtala ng pinakamataas na bagong kaso ng COVID-19 nung Sabado, Setyembre 11 ang Quezon City – 1449, Maynila – 892, Caloocan City – 869, Pasig City – 748, Taguig City – 642, Paranaque City – 547, Makati City – 534, Valenzuela City – 439, Davao City – 409 at Iloilo City – 402.
Kasabay nito, ipinakita ni David ang Average Daily Attack Rate (ADAR) ng ilang asian countries hanggang Setyembre 10, base sa data ng John Hopkins University kung ang Pilipinas ay may orange mark na nangangahulugang nasa high risk ito sa 19,986 new cases. —sa panulat ni Hyacunth Ludivico