Pinayagan na ng Inter-Agency Task Force ang hiling na digital Covid-19 vaccine certificates para sa domestic travel.
Una nang nagkaroon ng inoculation certificates mula vaxcertph na limitado lamang sa mga outbound migrant workers.
Ayon kay Presidential Spokesman Harry Roque, lahat ng local government unit na walang sariling electronic vaccine administration system ay kailangang gamitin ang system ng Department of Information and Communications Technology.
Ito, aniya, ay upang itala lahat ng inoculation information ng mga bakunadong indibidwal.
Inatasan na rin anya ng Covid-19 task force ang DICT na magbigay ng update dalawang beses kada Linggo hinggil sa regional submission ng vaccination data.
Sa ngayon ay nasa 26.8 million na ang fully vaccinated sa bansa o 24.5% ng 109 million na populasyon. —sa panulat ni Drew Nacino