Naunsyami ang pagpapatupad ng 33-ton weight limit at rerouting ng mga sasakyan sa bahagi ng North Luzon Expressway-Southbound Candaba Viaduct na magsisimula sana noong isang linggo.
Ito’y makaraang umapela sa NLEX ang grupo ng truckers at Pampanga Provincial Government dahil sa epekto ng rerouting sa negosyo at daloy ng trapiko.
Ayon kay Teodorico Gervacio, pangulo ng Inland Haulers and Truckers Association, malulugi sila sa pagdaan sa mas mahabang ruta.
Magpapatupad sana ng diversion sa Angeles-San Fernando-Candaba Viaduct-Balagtas route kung saan lalabas ng San Fernando exit papuntang Gapan at tatagos muli sa Balagtas.
Ipinunto ni Gervacio na mula sa 32,000 pesos na krudo ng truck na may diretsong biyahe mula Clark-Manila, madaragdagan ito ng 6,000 pesos na tiyak aalmahan ng mga negosyante ng buhangin, gulay at ilang produkto.
Iaapela rin ng Pampanga government ang planong rerouting at weight limit dahil bukod sa dagdag pasakit sa mga negosyante ay lalala umano ang daloy ng trapiko sa lalawigan na magiging exit point ng mga truck.
Samantala, sa kabila ng pagpayag ng NLEX sa “status quo” sa pagpapatupad ng weight limit at rerouting, kanilang ipinunto na may mga bitak na ang Candaba Viaduct kaya’t dapat lamang itong isailalim sa repair.