Ipinagpatuloy na ang rescue operations sa isang gumuhong grocery store kasunod ng magnitude 6.9 na lindol na yumanig sa Davao del Sur.
Ito’y makaraang inihinto muna ang ginagawang operasyon dahil sa naranasang malakas na pag-ulan kagabi at mga malalakas na aftershocks.
Ayon kay Christopher Tan, head ng Davao del Sur Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office, alas-8 kaninang umaga nang opisyal na ipagpatuloy ang search-rescue-retrieval operation sa naturang lugar.
Sinusubukan din aniya nilang mahanap ang mga CCTVs ng establisyimento para sa pag-asang makahanap ng footage na maaraing makatulong sa pagtukoy ng aktuwal na bilang ng mga taong nasa loob ng naturang gusali nang ito ay gumuho.
Samantala, magugunitang kahapon, Lunes, ika-16 ng Disyembre, nang marekober ang tatlong labi mula sa gumuhong gusali, habang anim na iba pa ang pinangangambahang na-trap matapos makapagpadala pa ng text message ang isang empleyadong nanghihingi ng tulong.