Nananatiling abala ang puwersa ng Philippine Air Force sa kanilang rescue at relief operations sa Cagayan Valley Region na matinding sinalanta ng Bagyong Ulysses.
Ayon kay Air Force Spokesman Lt/Col. Aris Galang, dalawang UH-1H helicopters na minamando naman ng kanilang Tactical Operations Group ang kumikilos ngayon sa nasabing lugar para sa pamamahagi ng tulong at pagsagip sa mga nasa bubungan pa rin ng kanilang mga tahanan.
Libu-libong pamilya ang naapektuhan ng bagyong Ulysses sa nasabing lalawigan makaraang tumaas ang Cagayan river lalo pa’t sinabayan ito ng pagpapakawala ng tubig mula sa Magat Dam na nasa Isabela.
Sinabi pa ni Galang na aabot sa mahigit 1,500 kilong Cargoes ang kanilang naihatid sa Cagayan Provincial Capitol mula pa kahapon upang ipamahagi sa mga bayan ng Alcala, Amulung, Lal-lo, Solana at Enrile sa nabanggit na lalawigan. —ulat mula kay Jaymark Dagala (Patrol 9)